As The Wings Of Perfect Flame Glow Out Of Passion.

Tuesday, June 12, 2007

Asul, Pula, Dilaw, at Puti.



Sabi Nila
Agaw Agimat

Sabihin man nilang ako ay bata pa

'Di ko pa raw alam kung paanong umibig sa kanya
Sa karanasan daw ako ay hilaw pa
"Mag-aral ka pa," iyan ang sabi nila

Maaring sa isang punto, sila ay tama
Maaring sa karanasan, ako ay hilaw pa nga
Dahil 'di ko pa naranasan buhay ko'y itaya
'Di ko pa naranasang sumagupa sa digma

Maaring kulang din ang aking pagkaunawa
Sa mga suliranin ng ating bansa
Maaring kulang din ang aking kaalaman
Sa iba't ibang daing ng ating sambayanan

Ngunit dahil ba kulang pa'ng aking karanasan
At marami pa 'kong dapat pag-aralan
Ang pag-ibig ba nila'y 'di ko kayang pantayan
Para sa 'kin ito'y isang maling kaisipan

Ang pag-ibig sa bayang kinagisnan
Ay sa puso at hindi sa isip lang
Ito'y nararamdaman at hindi napag-aaralan
Ito'y walang kinikilalang edad kailanman


-----
Kahit ilang beses ko sabihin na hindi ko na masisilayan ang araw na matutupad ang pangarap ko sayo, hindi mo pa rin maikakaila ang pagmamahal ko sayo. Kahit ilang beses ko isulat na kahit ako na lang ang nagiisang naniniwala, hindi ko pa rin mapapatunayan ang pagibig ko sayo.

Ang boses ko ay maliit at tago. Hindi marinig at nalulunod sa agos ng buhay at ng tao, ngunit kahit papaano nagdadala ito ng pagasa. Kahit hindi para sa karamihan, nagdadala ito ng pagasa sa akin. Sa aking maliit na pagkatao, na hindi pansin sa milyon-milyong naninirahan at humahanap ng kalinga sa iyong bisig.

Kahit sabihin ko na handa ako ialay ang buhay ko para sayo, para saan pa ito sa panahong ito? Hindi na sukatan ng pagmamahal sayo ang pagharap sa tingga ng banyaga. Pero sa aking munting paraan, naipapakita ko ang pagmamahal ko sa iyo. Kahit ilang beses ko na sabihin na hindi mo na maibabalik ang dati mong sigla at kulay, asahan mong nanalig pa rin ako sa pula, asul, puti at dilaw.

Bayan ko, asahan mo na kahit maubos na ang anak mo, mananatili akong nakataas ang noo, ipaglalaban ang ngalan mo. Isisigaw sa mundo na ako ay Pilipino - nasa isip ko pa rin, nasa salita ko pa rin, at nasa gawa ko pa rin.

Pwede pa, kaya pa.



Labels: ,